Wang-Ma, Xue-Li / Ang Kwento ng isang Migrante na naging Imigrante / SPA-Shelter Mr. Wang / dayuhang asawa
Ang Kwento ng isang Migrante na naging Imigrante
Ipinagmamalaki ko na ako’y naging isang Migrante.
Ang buhay naming mga Migrante ay puno ng istorya, may masaya, may malungkot, may dumadanas ng paghihirap sa kamay ng mga amo nila, may tinatawag na walang kalayaan at paghihinagpis dahil kailangan mong mangibang bayan para lang mabigyan mo ng magandang kinabusan ang pamilya mong naiwan. Bilang isang Mgirante ay responsibilidad natin na maging alerto hindi lang sa ating mga responsibilidad sa trabaho kundi pati narin sa mga karapatan natin. Bilang isang Migrante dapat nating alamin ang mga karapatan natin sa bayang pinanggalingan at bansang paroroonan tulad ng sa Taiwan dapat nating alamin kung ano ano bang mga karapatan natin sa Taiwan. Huwag lang tayong manaliting mangmang sa mga bagay bagay na dapat ay alam natin at naiintindihan. Tayong mga Migrante ay hindi lamang iniisip ang kapakanan ng ating pamilya kundi ng lahat ng mga manggagawang Filipino na nasa Taiwan.
Minsan ko ng naranasan ang walang kalayaan, bawal kang mag Day-Off dahil sasabihin sayo na makakakilala ka ng mga salbahe, ang kailangan mo lang gawin ay ang magtrabaho ng magtrabaho paano ka magiging produktibong manggagawa kung pati ang sarili mong kalayaan ay ipagkakait sayo? May mga bagay na dapat ay hindi manatiling ganon na lang kundi kailangang mabago. Sa paanong paraan? Mananatili ka nalang bang tahimik sa isang tabi at hindi ipaglalaban ang iyong mga karapatan? Isatinig mo ang iyong boses! Kahit na ikaw ay isang dayuhang manggagawa lamang, iparating mo sa kinauukolan na ikaw rin ay nangangailangan ng atensyon at proteksyon bilang isang taong may dignidad at hindi bilang isang alipin ng pagkakataon.
Huwag sana kayong manatiling bulag sa mga hinaing naming mga dayuhang manggagawa kami rin ay may puso rin katulad nyo rin kaming nagugutom, katulad nyo rin kaming may pandama, katulad nyo rin kami na nasasaktan sa tuwing naaapakan ang dignidad at katulad nyo rin kaming may pamilya na nangangailangan ng kalinga namin pero nandito kami sa bansa nyo na pinagsisilbihan ang mga mamamayan nyo. Kami ay tao rin. Nangangailangan ng tunay na serbisyo at tunay na proteksyon.
Ang munting pangarap ng isang Migrante ay makita pa ang kagandahan ng Inang Bayan, makapiling ang pamilya mong nawalay sayo ng pagkatagal-tagal at Minimithi natin ay, isang lipunang walang nang magkakahiwalay para lamang mabuhay.
Ang kwento ng magiging Migrante ko ay konektabo sa buhay ko na ngayon sa Taiwan. Sa apat na taong naging dayuhang manggagawa ako ay nakita ko ang unti-unting pagbabago ng paligid ko sa Taiwan dito na ang buhay ko bilang isang imigrante. May kanya kanyang ipinaglalaban ang Migrante at Imigrante sa Taiwan pero parehong may mithiin na gustong makamit at mabago ang kasalukuyang sistema.
Kung noon ay wala akong katuwang ngayon ay meron na. Nagagalak ang puso ko dahil nakatagpo ako ng lalaking mamahalin at makakatuwang ko sa mga pinaglalaban ko. Nagagalak ako dahil sya rin ay may puso para sa mga Migrante at Imigranteng sektor. Para sa akin ay ang ganitong mga tagpo ay napakaespesyal dahil hindi lahat ng mga lalaki ay mauunawaan ka sa mga ipinaglalaban mo. Kaming mag asawa ay pantay-pantay ang tingin namin sa isa’t-isa hindi dahil sya ay lalaki dapat ay sya na ang masusunod, kami ay may respeto sa bawat isa. Ang asawa ko ay hindi ko lamang basta asawa sa papel kundi sya ay itinuturing kong matalik na kaibigan at kasama(Comrade). Ang buhay naming mag-asawa ay nagsisimula pa lamang madami pa kaming mga pagsubok na dadaanan na dalawa sa hirap man o sa ginhawa.
Natutuwa ako at may mga ganitong paanyaya at kompetisyon kung saan ay magagamit mo ang sarili mong lengguahe sa pagsulat. Napagtutuunan na ng pansin ang sariling lengguahe ng bawat dayuhang manggagawa at dayuhang asawa sa Taiwan. Ang sarili nating Wika ay dapat na hindi natin kalimutan kahit na tayo ay mga asawa na sa bansang Taiwan. Pagyamanin pa natin ang sariling kultura para sa mga susunod na henerasyon natin sa bansang Taiwan. Huwang nating hayaan na manatiling alaala na lamang ito. Isa ang kultura sa pagkakakilanlan nating mga Filipino kaya huwag nating hayaan na ito ay basta na nalang mawala at hindi man lang ito nakita o mararanasan ng mga susunod na henerasyon.
Ito ay isang kwento ng dating dayuhang manggagawa na naging dayuhang asawa sa Taiwan.