Habang May Buhay

Julius Canaveras / Habang May Buhay / Wala / dayuhang asawa 婚姻移民 Mainit at maalingsangang tanghali. Ma-trapik ang kalsada. Sakay ng pampasadang jeep na minamaneho ni Tatay, kasama ko ang aking aking pamilya – si Nanay, si Tatay, dalawang nakababatang kapatid, at pamangkin, papuntang Manila. Ihahatid daw nila ko sa airport. Batid ko ang kalungkutan sa mga mata … Continue reading “Habang May Buhay”

Julius Canaveras / Habang May Buhay / Wala / dayuhang asawa 婚姻移民

Mainit at maalingsangang tanghali. Ma-trapik ang kalsada. Sakay ng pampasadang jeep na minamaneho ni Tatay, kasama ko ang aking aking pamilya – si Nanay, si Tatay, dalawang nakababatang kapatid, at pamangkin, papuntang Manila. Ihahatid daw nila ko sa airport. Batid ko ang kalungkutan sa mga mata nina Nanay at Tatay, malamang, mami-miss nila ako. Matatagalan din siguro bago ko makabalik ulit sa Pilipinas.

Panganay ako sa tatlong magkakapatid, lumaki sa isang simpleng pamilya. Si Tatay, isang matiyaga at pursigidong haligi ng tahanan, ay pumapasada ng jeep araw-araw para kumita at maipangtustos sa aming pang-araw-araw na gastusin sa bahay at iskwelahan. Si Nanay, isang mapagmahal at mapag-alagang ilaw ng tahanan, ang buong lakas na nag-aasikaso at nagbibigay ng aming mga kailangan sa bahay – kalinisan at kaayusan sa bahay, masarap na lutuin, mabango at malinis na mga damit, habang nagtatrabaho sa malayo si Tatay.

Bata pa lang ako, namulat na’ko sa kahirapan ng buhay. Minsan, para tulungan si Tatay sa mga gastusin, tumatanggap ng labada si Nanay sa dormitoryong malapit sa’min. Tinutulungan ko naman si Nanay. Ako ang humahakot ng labahin sa dormitoryo papunta sa bahay kung saan mano-manong nilalabhan ni Nanay. Ako din ang naghahatid ng malinis na mga damit sa umagang-umaga bago pumasok sa paaralan. Ilan lamang ang mga ito sa malaking hamon sa akin upang pagbutihin ang aking pag-aaral para balang araw ako naman ang tutulong sa’king pamilya.

Nagagalak akong ibahagi na naging iskolar ako mula sekondarya hanggang kolehiyo. Kaya’t lagi akong ipinagmamalaki nila Nanay at Tatay sa aming lugar.

Hanggang sa nakatapos ako ng kolehiyo sa kursong inhinyero sibil sa Unibersidad ng Pilipinas, ang pambansang pamantasan ng Pilipinas. Pinangarap ko kasing magdisenyo at magtayo ng aming magiging bahay kung papalarin sa hinaharap. Hanggang sa nakamit ko din ang lisensya para sa propesyon ko.

Ngunit hindi naging madali ang lahat. Halos wala rin akong maipon dahil sa hindi gaanong kalakihang sahod at mahal ng gastusin. Tumutulong din ako hanggang sa makatapos ng kolehiyo ang dalawa kong nakakabatang kapatid. Sa awa ng Diyos, nakamit din nila ang diplomang aming pinapangarap para sa kanila. Mahalaga sa’min ang edukasyon dahil laging ipinapaalala nila Nanay at Tatay na wala silang maipapamanang materyal at mamahaling ari-arian sa amin kundi edukasyon at mga turo para maging mabuting tao. Itong mga katagang ito ang lagi kong inspirasyon sa aking bawat gawain.

Baon ang pangarap na bumuo ng sariling pamilya sa malayong lupaing aking kinagisnan, nagdesisyon akong iwan ang aking trabaho sa Pinas at sundan ang aking asawa sa Taiwan. Punong-puno ng positibong adhikain at mataas na ekspektasyon ang aking puso’t isipan para sa desisyong manirahan at magtayo ng sariling pamilya sa Taiwan.

Sa halos tatlong buwan na ang nakalipas nung ikasal kami ng aking misis na Taiwanese, para bang kaytagal naming nagkawalay kung gaano namin na-miss ang isa’t isa. Sa dalawang unang bese kong nakadalaw dito sa Taiwan noong magkasintahan pa kami, kakaiba ang aking naramdaman yun dahil sa paniniwalang mas matagal na akong maninirahan dito. Pansamantala kaming nanirahan sa maliit na paupahang bahay sa Taichung. Nung mga unang buwan, medyo nakabisa ko na ang kapaligiran sa banyagang lupaing pinili kong mahalin, gaya ng pagmamahal ko sa’king asawa, sampu ng kultura nyang kinagisnan.

Lumipas ang marami pang buwan ngunit hirap ako sa paghahanap ng trabaho bilang inhinyero sibil. Nung panahong yun, wala pa ring bagong trabaho si misis kaya unti-unting nauubos ang aming pinansya. Laking pasasalamat namin at kahit papano, mabait ang kanyang ama at tinutulungan kami. Pero, ayaw ko sanang palaging umasa sa tulong ng aking biyenang lalaki.

Hindi ako tumigil maghanap ng trabahong angkop sa karanasan at pinag-aralan ko. Pero naging mailap ang swerte at tila walang pumapansin sa’king solidong resumé. Hindi pa ako nakaranas magtrabaho sa Taiwan. Hanggang sa natuklasan kong marahil ito’y nasa wikang Ingles. Batid kong hindi ganun katatas ang mga Taiwanese sa Ingles pero sa mga multinational na kumpanyang pinagpasahan ko ng aking resumé, inaasahan kong Ingles ang kanilang pangunahing lenguwahe. Ako’y nagkamali.

Naramdaman ko ang liit ng tyansa kong makapasok sa isang magandang kumpanya at magamit ang aking kwalipikasyon at espesyalisasyon. Hanggang sa napadpad kami sa isang agency na konektado sa isang semiconductor factory. Pareho kaming nag-apply ng misis ko at pareho din kaming natanggap. Ano pang mahihiling ko kung ito ang kaloob ng Maykapal sa panahong yun?

Ngunit wala pang isang buwan akong nagtatrabaho, para bang gusto ko nang bumigay sa hirap ng trabaho na marahil ay iba ito sa trabahong alam ko. Kaharap ang lampas kinseng makina, halos mabaliw ako kung paano gagawin ang aking trabaho kahit pa may ibang Pinay din na tumutulong at nagtuturo sa’kin. Hanga ako sa tatag, sipag at dedikasyon nila. Naging mabuti ko silang kaibigan sa loob ng factory. Lahat sila’y may kanya-kanyang kwento ng pagsusumikap para maiahon ang pamilyang iniwan sa Pinas. Lalong lumaki ang respeto ko sa kanila.

Hindi nagtagal, ako’y nagbitiw sa trabaho sa factory at tinanggap ang trabahong pang-inhinyero na ibinalita sakin ng kaibigan ko sa Dubai, UAE. Pinag-usapan namin ‘to ng misis ko at walang naging madaling paraan para tanggapin na kailangan ulit naming magkawalay. Ipinangako kong papasunudin ko sya sa Dubai kapag naging maayos na ang pakikianggkop ko sa pamumuhay sa gitnang silangan.

Pagkatapos ng ilang buwang malayo sa piling ng isa’t isa, muling nagkasama na ulit kami sa Dubai. Kami’y nag-renta ng isang maliit na espasyo na halos kasing laki lamang ng aming kama sa isang apartment na may hindi bababa sa beinteng rumerenta. Wala kaming ibang pagpipilian, kailangan naming makaipon ng pera kaya kailangan naming pagtiyagaan ‘to habang naghahanap pa ang misis ko ng trabaho sa Dubai. Kaso, hindi sya pinalad. Pakiramdam nya, dahil sa kaunting katatasan nya sa Ingles kya hindi sya makapasa sa pakikipanayam. Masakit mang tanggapin, lumalapit na mapaso ang visa nya. Hindi naglaon, kailangan na ulit naming magkawalay. Bumalik syang mag-isa sa Taiwan.

Muli na naman kaming naging konektado sa pamamagitan ng Skype. Mahirap ang kalagayan naming yun dahil sa diperensya sa oras ng aming lokasyon at talakdaan ng aming araw na walang trabaho. Nahihirapan na rin akong mamuhay mag-isa at malayo sa aking misis sa Taiwan at pamilya sa Pilipinas. Madalas, sa sobrang pagka-homesick ko, hindi ko maiwasang maiyak sa pagkasabik sa mga mahal ko sa buhay.

Pinag-usapan na lang namin ng misis ko na matapos ko lang ang isang taon ko sa trabaho ko at pwede nako magbakasyon sa Taiwan, hindi na muli akong babalik sa Dubai, para muling tuparin ang aming pangarap na pagbuo ng pamilya.

Lumipas ang araw, linggo, at buwan. Oras na ng pagbalik sa Taiwan dala ang kaunting naipong pera para makapagsimula ulit. Walang kasing sayang makita muli ang aking kabiyak na naghihintay sa aking pagdating sa paliparan.

Pakiramdam ko parang maraming nagbago sa Taiwan sa lampas isang taon kong pagtatrabaho sa gitnang silangan. Pero hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal ko dito kaya ito pa rin ang binalikan ko. Sa pagkakataong ito, sa Hsinchu na kami nanirahan at nagsimulang muli.

Gaya ng dati, sa kagustuhan kong magtulong kami magkaroon ng mas malaking ipon, madaming pagsubok akong naghanap muli ng trabaho. Kasalukuyan syang nagtatrabaho sa isang factory sa Hukou noon. Hanggang sa aking subukang magturo ng Ingles sa ilang buxiban at preschool. Hindi ako masyadong bihasa sa pagtuturo sa mga bata pero dahil sa dala ng pangangailangan, kailangan kong gawin. Oo, mas malaki ang kita sa ganitong trabaho pero ganun din kalaki at katalamak ang diskriminasyon.

Hindi Ingles ang una kong lengwahe pero bihasa at matatas akong magsalita, magbasa at magsulat sa wikang Ingles. Subalit, hindi ito sapat na batayan para makahanap ng permanenteng trabaho bilang guro ng Ingles sa preschool.

Dahil sa impresyon ng bawat preschool at buxiban na ang mga likas na tagapagsalita ng Ingles lamang ang maaaring magturo ng Ingles, masyadong lumiit ang tyansa ng tulad ko para sa ganitong trabaho. Marahil, ganito rin ang nararanasan ng mas nakakaraming bihasa sa Ingles na Taiwanese.

Halos lahat ng preschool ay nakatuon sa nakasanayang pamantayan, na bukod sa bansang pinanggalingan, ang pagpili ng bagong guro ng Ingles ay naayon sa maputing kompleksyon, ibang kulay ng mata, ibang kulay ng buhok, at iba pa.

Masakit mang isipin, dahil ito’y negosyo, mas pinahahalagahan ang panlabas na anyo at bansang pinanggalingan kaysa sa kakayahan at talento para sa pagtuturo ng Ingles sa mga kabataang Taiwanese.

Ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa. Lalo akong naging pursigido na subukan lahat ng pagkakataong pwedeng maging umpisa ng aking karera sa pagtuturo ng Ingles ditto sa Taiwan. Sa wakas, dininggin ng Maykapal ang mithiin ng puso ko at ginabayan ako patungo sa isang preschool na nagpapahalaga sa kakahayahan, tiyaga at pagsusumikap ng isang kwalipikadong guro. Nabigyan ako ng pagkakataong patunayan ang kakayahan kong magturo at magpahayag ng pagmamahal sa pagtuturo ng Ingles. Hanggang ngayon, ipinagpapasalamat ko ito sa isang tao na nagbigay ng tiwala sa aking kakayahan at talento, bukod sa aking kwalipikasyon at karanasan.

Ngayong nasa ikatlong taon na akong nagtuturo sa mga kabataang Taiwanese ng Ingles, ipinagmamalaki kong malaki ang aking naiambag sa kanilang pagkatuto at pagbuo ng tiwala sa sarili para ipahayag ang kanilang kakayahang makipagtalastasan sa wikang Ingles. Minahal ko ang mga naging estudyante ko na parang sarili kong anak. Hindi ko man sila kalahi at kapareho ng lengwahe (Mandarin Chinese), nagkakaintindihan pa rin kami, pati na rin sa mga ka-trabaho kong Taiwanese.

Lahat ng aking karanasan, hinanakit, problema, at kasiyahan ay aking ibinabahagi sa aking pamilya sa Pilipinas sa tuwing nagkakausap kami sa Skype. Likas na iyakin si Nanay kaya’t hindi nya mapigilang maluha kapag nagkakausap kami sa Skype. Lalo silang naging masaya para sa aming mag-asawa nung ibinalita naming nagdadalang tao ang misis ko at magiging magulang na kami. Hindi din namin maikubli ang aming pagkagalak at pangamba lalo na’t kami lang dalawang mag-asawa ang magkasama. Malayo kami sa pamilya ko sa Pilipinas at pamilya niya sa Tainan. Ganunpaman, kami’y nagkaisa at nagbigay lakas sa isa’t isa para sa panibagong buhay na aming itataguyod pagkatapos ng lampas siyam na buwan.

Hanggang sa isinilang ang una naming supling na lalaki. Walang kasing ligaya ang aming naramdaman. Wala ring kasingtumbas ang aming pangamba bilang baguhang magulang. Ganunpaman, itinuon na lang namin ang aming pansin sa maayos na pag-aalaga ng aming anak.

Gaya ng ibang relasyon, hindi din perpekto ang aming buhay mag-asawa. Simula nung magkaanak kami, lalo naming nakilala ang pag-uugali, kahinaan at imperpeksyon ng bawat isa.

Maraming naging mitsa ng aming hindi pagkakaintindihan. Dumaan kami sa mga pagsubok na bunsod ng diperensyang dulot magkaibang kultura, paniniwala, lengwahe at paraan ng pakikiangkop sa bawat isa. Hindi naging madali hanggang sa nagkakasumbatan kami sa bawat aming pagtatalo. Dumating sa punto na isinusumbat nya na siya ang dahilan ng pagkakaroon ko ng ARC kaya’t malaya at matagal akong nakakalagi sa Taiwan. Palagi nyang ipinapamukha sa’kin na sya ang dahilan kung bakit maayos ang aking pamumuhay sa Taiwan. Masakit sakin na isumbat yun. Asawa nya ako. Bakit, may nahahawakan ba ako sa perang sinusweldo ko? Nakakapunta ba ako kung saan ko gusto pumunta kung hindi nya ako papayagan? Nasasakal na ako. Parang wala akong kalayaan.

Kaya’t ipinamukha ko sa kanya na iniwan ko ang pamilyang kinagisnan ko sa Pilipinas at pinili ko sya at ang bansa at kultura nya alang-alang sa aming pagmamahal sa isa’t isa. Hindi naging madali makibagay sa banyagang lupaing hindi ko maintindihan ang lengwahe at may kakaibang kultura. Ipinaliwanag ko na pumunta ako sa Taiwan hindi para magtrabaho at kumita ng malaking halaga para sa sarili ko kundi makasama sya at buuin ang aming pangarap na pamilya.

Pero, mukhang naging malabong mangyari yun kung itinuloy kong lumayo na lang sa kanila ng anak ko, noong halos mapuno na ako sa kanya, kaysa naman palagi kaming magbangayan.

Mas nanaig pa rin ang pagmamahalan namin sa isa’t isa at sa aming sariling pamilya. Marami na kaming nalampasang pagsubok kaya hindi kami patitinag basta-basta. Mas nanaig ang pagmamahal ko sa aking sariling anak na simbolo ng aming pagmamahalan. Hindi ganoong basta-basta lang ang aming mga pinagdaanan.

Sa pamumuhay ko dito sa Taiwan, marami akong natutunan sa kultura, paraan ng pamumuhay, relihiyon, at modernong sistema ng pamumuhay ng mga Taiwanese. Walang kapantay ang sarap ng mga tradisyonal na pagkain dito, lalo na sa mga night markets. Madalas man silang pasigaw na makipag-usap, pero hindi nangangahulugan yun ng pagkagalit o hindi pakikipag-unawaan. Likas lang talagang emosyonal, magiliw at masayahin ang mga Taiwanese. Hinahangaan ko din ang mapayapang pamumuhay dito na mahirap ikumpara sa ibang nangungunang maunlad na bansa.

Sa aspeto ng pagyakap ng Taiwan sa lengwaheng Ingles, malakas ang aking paniniwalang mas makakadagdag sa kaunlaran at pagsulong nito, bukod sa pagkakaroon ng matatag na ekonomiya at matuwid na gobyerno. Hindi ko ipagpapalit ang Taiwan bilang aking pangalawang tahanan.

Sa ngayon, patuloy pa rin kaming mag-asawa sa pinili naming buhay-pamilyado. Nananatiling nag-aalab ang pagmamahalan naming mag-asawa sa kabila ng magkaibang kulturang kinagisnan. Patuloy naming gagampanan ang pagiging responsableng magulang ng aming anak na maswerte sa pagkakaroon ng higit sa isang kulturang maaari naming maipamana. Naniniwala akong habang may buhay… may pag-asa, may pagkakataong iwasto ang mga maling nagawa sa nakaraan, may pagkakataong maging kapaki-pakinabang sa kasalukuyan, at may pagkakataong mangarap ng marami para sa hinaharap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *