團結 儘管我們有所不同 Tayo’y Iisa Kahit Magkaiba

 2014 Preliminary 菲律賓文初選  📜 團結 儘管我們有所不同 Tayo’y Iisa Kahit Magkaiba 👤 Apeg Sa isang banyagang bayan, Ngayon ako’y naninirahan. Wala sa sariling bansa, Pag-ibig ang siyang pag-asa. Bawat araw na dumaan, Pasensya ang kailangan. Pangunawa’t pagpakumbaba, Sa sarili’y pinahaba. Bawat bagong karanasan , Mahirap maintindihan. Lenggwaheng hindi ko alam, Mapait na pakiramdam. Sa’king puso at … Continue reading “團結 儘管我們有所不同 Tayo’y Iisa Kahit Magkaiba”

 2014 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 團結 儘管我們有所不同 Tayo’y Iisa Kahit Magkaiba

👤 Apeg

Sa isang banyagang bayan,
Ngayon ako’y naninirahan.
Wala sa sariling bansa,
Pag-ibig ang siyang pag-asa.
Bawat araw na dumaan,
Pasensya ang kailangan.
Pangunawa’t pagpakumbaba,
Sa sarili’y pinahaba.

Bawat bagong karanasan ,
Mahirap maintindihan.
Lenggwaheng hindi ko alam,
Mapait na pakiramdam.
Sa’king puso at isipan,
Laging nag-aalinlangan.
Paano ba mabubuhay,
Sa isang banyagang bahay?

Ang tanong sa aki’y lage,
Bakit kulay kayumanggi?
Hitsura’t pananalita,
Kaibahan ang nakikita.
Saan ka ba nanggaling?
Bakit dito’y nakarating?
Ikaw ba ay imigrante?
O ‘di kaya’y trabahante?
Bawat harap sa salamin,
Ako ay nananalangin.
Na sa kanilang paningin,
Ako ay isang tao din.
Sa ating puso’t damdamin,
Tayo’y may isang hangarin.
Ang mabuhay na masaya,
At mayroong pagkakaisa.
May lakas sa kaibahan,
Ito’y isang katangian.
Kahit tayo’y magkaiba,
Sa pag-ibig ay pareha.
Bawat landas na tinahak,
Kahit ano pa’y hinamak.
Makasama lang sa bahay,
Ang pinakamamahal sa buhay.
Tayo’y may iisang layunin,
At iisang adhikain.
Marinig ang ating panalangin,
At kasiyahan ay maangkin.
Kahit tayo’y magkaiba,
Kulay man o pananalita,
Hindi maipagkakaila,
Anyo ng puso’y magkapareha.


 2014 Preliminary 菲律賓文初選  

📜 團結 儘管我們有所不同 Tayo’y Iisa Kahit Magkaiba

👤 Apeg

 

這是異國
我居住的地方
不在自己的國家
愛是唯一的希望
日復一日
需要無盡的耐心
謙虛與諒解
日久天長

每個新事物
都難以明瞭
那是我不懂的語言

苦澀的感覺
滲浸腦海心海
每次都懷疑
該怎麼生活
在一個異國家庭?

我常問自己
為什麼膚色這麼黑?
言語和外貌
處處見差異
你從哪裡來?
你為什麼來?
你是結婚來的?
還是來這工作?

每次照鏡
我就默默祈禱
在他們的眼裡
我也是一個人
在我們心裡
也有願望
希望活得快樂
以及同樣的一顆心

外表雖不同
但那只是外表
我們雖有差異
但同樣有愛
每一趟旅途
都不能屈服
只要能夠
與珍愛的人相守

我們目標相同
盼望相同
上帝聽見我們的祈禱
將滿足我們的願望
雖然我們不同
不論膚色和語言
但別否認
我們有志一同


Aside from how beautifully the words were sewn together into a literary piece, the message that the poem aims to give is quite simple, straightforward, objective and honest. The way by which APEG presented his or her points in the poem was very calm, not shouting or angry. He or she was just simply driving a point hoping to make the reader understand that while they may be different from each other, they are still the same in many ways.

Through his/her poem, APEG reaches out to his/her reader aiming to build a bridge of understanding between the two of them, that solidarity can be a beautiful thing that can happen when both recognize that there is unity and therefore beauty despite their diversity.

With regard to how the poem was made, APEG knew which words to put in every line and has a wonderful gift of piecing them together into beautiful poetry. They say you speak more in less words and in that APEG achieved it through Tayo’y Iisa Kahit Magkaiba (We Are One Although Different). The poetry was neither trite nor screaming, neither boring nor exaggerated.

小小天堂 MUNTING PARAISO

 2014 Preliminary 菲律賓文初選  📜 小小天堂 MUNTING PARAISO 👤 Emily T. Malayas Ako’y nangibang bansa, para sa aking pamilya Matandang lalaki, ang aking alaga Una naming pagkikita, siya ay masigla Pero amin nalaman, sya ay maysakit pala Sa unang mga buwan ko dito Napakagaan ng aking trabaho Paglilinis ng bahay, pamamalengke kasama ng Amo At pagluluto … Continue reading “小小天堂 MUNTING PARAISO”

 2014 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 小小天堂 MUNTING PARAISO

👤 Emily T. Malayas

Ako’y nangibang bansa, para sa aking pamilya
Matandang lalaki, ang aking alaga
Una naming pagkikita, siya ay masigla
Pero amin nalaman, sya ay maysakit pala

Sa unang mga buwan ko dito
Napakagaan ng aking trabaho
Paglilinis ng bahay, pamamalengke kasama ng Amo
At pagluluto ng pagkain naming tatlo

Ang aking alaga, mga anak ay puro babae
Ang pagtrato nila sa akin, ay napakabuti
Mga lumang damit at gamit, sa akin ibinigay
Ako’y natutuwa, kahit sa ganitong bagay

Kahit mahirap, aking titiisin
Kondisyon ng mga Amo, kailangan unawain
Walang day off at bawal makipagkaibigan
Lalo na sa kapwa ko dito na dayuhan

Ang aking alaga, dinaramdam unti – unting lumala
Kaya sa ngayon, sa ospital na kami nakatira
Pagod at puyat ang aking kaharap
Pero aking kakayanin, para sa aming hinaharap

Ako’y laging nagdadasal, alaga ko ay tumagal
At sana humaba pa ang kanyang buhay
Dahil sya ay may asawa, sa bahay naghihintay
At ang aking pangarap, dito nakasalalay

Sa ospital na kung tawagin, aming bagong tahanan
Dahil tumagal kami dito, ng mahigit anim na buwan
Sakit sa ulo, sakit sa ngipin, at sakit ng buong katawan
Dahil sa puyatan na aking kalaban

Alagang sumpungin, ayaw makinig sa aking sasabihin
Kaya kong tiisin, basta walang problema sa pagkain
Dahil iyan ay aking kailangan, para lumakas ang katawan
Para sa aking alaga, trabaho ay magampanan

Minsan na akong sinaktan, ng aking alaga
Ako’y umiyak na lang, sa narinig na hindi magandang salita
Aking sumbong sa Amo, pero parang balewala

Dahil sabi nila, ang kanilang Ama ay kaawa-awa

Wala akong mapagsumbungan, at mapagpahingahan
Dahil ang pakikipagkaibigan, ay higpit akong pinagbabawalan
Kaya salamat sa aking asawa, anak, at pamilya
Na nandiyan palagi, sa aking sumusuporta

Hindi ako nagrereklamo, sa aking kalagayan dito
Pero sana naman, ako’y pagpahingahin ninyo
Anim na buwan, na kami nandito
Pero kahit isang gabi, hindi pa ako nakakatulog na ang oras ay kumpleto

Ipinagdarasal ko na lamang, sana hindi bumagsak ang aking katawan
Dahil aking kalagayan, minsan ay hindi isinaalang-alang
Dagdagan pa ng aking alaga, minsan ako’y sinisigawan
Dahil hindi sya makarinig, kaya nya ako sinusungitan

Dahil sya ay maysakit, pilit kong iniintindi
Kahit masama ang loob, ako’y nagtitimpi
Alang-alang sa pakiusap ng anak na babae
Hanggat makakaya ko, pagbibigyan nalang palagi

Pangungulila sa pamilya, aking tinitiis
Dahil sa nanay konn, hindi nawawalan ng sakit
Kaya ang aking sahod, sa aking palad hindi pa umiinit
Para pambili ng gamot, kaya agad idedeposit

Sa isang hindi inaasahang dahilan
Mahal kong asawa, ngayo’y napilayan
Dahil sa hindi sinasadya, sya ay naaksidente
Wala akong magawa, kundi umiyak sa isang tabi

Kaya ako nandito, gusto ko sya tulungan
Makapagpatayo man lang kami, kahit maliit na tahanan
Hindi habang buhay,sa magulang ay umasa
Sila’y matanda na, tayo naman ang tutulong sa kanila
Asawa, anak, at pamilya, kayo ay miss ko na
Pero kaya kong tiisin, hanggang matapos ang kontrata
Kaya araw-araw, gusto ko kayong tawagan
Kahit boses nyo man, ay aking mapakinggan

Nangibang bansa ako, hindi para yumaman
Gamot ng inay, gusto ko matustusan
Kahit sa ganoong paraan, sya ay matulungan
Dahil ako nalang, ang kanyang maaasahan

Sabi nila ang pangingibang bansa, hindi solusyon sa kahirapan
Pero ito ay makakatulong, sa pang araw-araw na pangangailangan
Kailangan lang gamitin, sa tamang paraan
Upang ang paglayo sa pamilya, ay hindi masayang

Tukso man dumating, huwag ng patulan
Tayo magpakatatag para sa pamilyang naiwan
Tiwala sa isa’t isa, ating panindigan
Para sa pamilyang naghihintay, na ating babalikan

Mahirap makipagsapalaran, lalo na dito sa Taiwan
Dahil magkaiba ang salita, lagi hindi magkaintindihan
Lalo na pag matanda, wika ay kakaiba
Kaya pag sila magsalita, ako’y naka nga-nga

Magkaiba man ang paniniwala, pero nandoon yung respeto
Kailangan lamang ay magpakatotoo tayo
Dahil pag sila ay nawalan ng tiwala sa’yo
Hinding hindi na maibabalik pa ng buo

Sa tatlong taong pagseserbisyo ko dito
Sana pangarap matupad, kahit hindi kumpleto
Kailangan magtipid, huwag sumunod sa uso
Dahil pinaghirapan ay masayang, kung sundin ang luho

Kaya ako sumali sa ganitong paligsahan
Hindi para lang manalo, kundi karanasan maibahagi lamang
Sana makapagbigay inspirasyon, sa ating kababayan
Pahahalagahan ang trabaho, at ng makauwi ng maayos sa ating bansang kinagisnan

Kaya tayong mga dayuhan, saan man sulok ng daigdigan
Hindi man ngayon, bukas o magpakailanman
Hindi mawalan ng pag-asa
Dahil nandiyan ang Panginoon, gumagabay sa lahat ng oras nakaagapay


 2014 Preliminary 菲律賓文初選 

📜 小小天堂 MUNTING PARAISO

👤 Emily T. Malayas

 

為了家庭,離鄉背井
一位老翁,需我照顧
初次見面,精神奕奕
但我知他,身懷疾病

剛到這裡,起初數月
我的工作,十分輕鬆
打掃家裡,市場採買
煮飯燒菜,三人晚餐

我的老翁,視我如親
待人接物,如此善良
舊衣舊物,全數送我
任何物品,我都歡喜

艱難困苦,我皆吞忍
雇主指令,我都接受
沒有休假,禁交朋友
同我族類,尤其忌諱

老翁病情,日趨惡化
迫於現狀,常住病院
疲憊倦怠,徹夜難眠
為了將來,戮力而為

夙夜祈禱,殘燭延續
期盼長者,延年益壽
他有賢妻,在家等待
我的夢想,亦懸翁命

長住病院,以院為家
一住半載,或許更長
頭痛牙痛,全身痠痛
天天熬夜,夜夜難眠

久病易怒,不聽人言
我悉忍受,只求溫飽
我僅需要,強健體魄
照料老翁,我的使命

老翁言詞,刺傷我心
詬罵污辱,只能哭泣
呈報雇主,馬耳東風
雇主只謂:老父堪憐

苦水滿腹,無處可訴
嚴格禁止,結交朋友
感謝家人,老公小孩
鼓勵支持,永遠長存

我的現況,不敢抱怨
僅求讓我,偶爾休息
住在病院,已經半載
沒有一晚,可以安眠

只能祈禱,別被擊倒
我的狀況,不被考慮
外加老翁,不時詈罵
因為耳背,拿我出氣

老翁生病,我能體恤
雖然難忍,還是要忍
老翁女兒,婉言請求
只要我能,一定退讓

加倍思親,強壓鄉愁
因為我母,也常生病
手中薪資,從沒握熱
馬上匯錢,買藥醫病

事故降臨,難以逆料
親愛老公,腳部扭傷
不是故意,皆屬意外
無能為力,遙遙哭泣

我來台灣,因想幫他
只盼能夠,自擁宅第
父母恩惠,不能長依
父母年邁,要靠我們

老公孩子,萬分想念
我須忍耐,直到期滿
每天每天,都想通電
至少能夠,聽到聲音

遠赴他鄉,不求富貴
只想承擔,母親醫療
無論如何,我會盡責
就只有我,她能依靠

人說出國,未必脫貧
至少解決,日常需用
該用則用,當省則省
離鄉背井,不負初衷

面對誘惑,勉力抵制
為了家人,堅強回絕
彼此信任,彼此依靠
親愛家人,仍在等待

切莫冒險,特別在台
語言不通,雞同鴨講
尤其長者,鄉音異樣
他一開口,我便啞然

信仰各異,恭敬尊重
真誠踏實,耐心去做
因為若是,失去信任
破鏡難圓,無法恢復

我在此地,已經三年
只盼心願,圓滿無缺
節儉度日,不追時尚
若隨奢華,收穫東流

話說我來,參加比賽
不只想贏,也想分享
鼓舞鄉親,激勵僑民
堅守崗位,衣錦還鄉

異鄉之人,無論何處
不管今天,或是永遠
切莫喪志,失去希望
因為上帝,時時護佑


適當的分段使它清楚又容易閱讀與了解。表達外勞的心聲。耐心與及在工作上忍耐、會擔心身體不適會影響工作。對雇主和自己家人都有責任,還會鼓勵其他同仁。
(1)May potential ka maging poet and story teller, you expressed yourself well.

(2)Madaling basahin at intindihin. Naipahayag ang tunay na damdamin ng OFW. Pasensiya at pagtitiis sa trabaho, responsable at may pangangambang hindi maitupad ang tungkulin kapag bumigay ang katawan. May pananagutan sa amo at sa sariling pamilya.

Realisasyon at mga karanasang humubog sa akin sa pagaasawa ng banyaga

Recca / Realisasyon at mga karanasang humubog sa akin sa pagaasawa ng banyaga / Wala / dayuhang asawa 婚姻移民 Ang pag aasawa ng banyaga at ang pagtira sa banyagang bansa ay isang hamon ng buhay na may kaakibat na pagsasakripisyo,kailangang bukas ang ating isipan at tandaan na ang pagsasama ng mag asawa ay hindi lahat sarap at saya … Continue reading “Realisasyon at mga karanasang humubog sa akin sa pagaasawa ng banyaga”

Recca / Realisasyon at mga karanasang humubog sa akin sa pagaasawa ng banyaga / Wala / dayuhang asawa 婚姻移民

Ang pag aasawa ng banyaga at ang pagtira sa banyagang bansa ay isang hamon ng buhay na may kaakibat na pagsasakripisyo,kailangang bukas ang ating isipan at tandaan na ang pagsasama ng mag asawa ay hindi lahat sarap at saya may mga pagkakataong mahaharap tayo sa mga pagsubok, kaya kinakailangang handa nating labanan at harapin anumang unos o problema ang dumating.Bago ako nagpakasal sa aking asawang Taiwanese naranasan kong magtrabaho bilang OFW(overseas filipino worker)ng 3 taon.Pagmamahal ang puhunan at nagudyok sakin para pakasalan ang aking asawa. Hindi siya perpekto pero nakikita at nadarama ko ang kanyang sensiridad sa pagsusumikap at pagtatrabaho para maibigay sa akin at sa aming mga anak ang aming pangangailangan.
Panatag ang aking loob noon dahil akala ko hindi ko na mararanasan ang culture shock na tinatawag ngunit lingid sa aking kaalaman marami pa palang mga bagay bagay akong matutuklasan at dito ko napagtanto na tama ang kasabihang “Everyday is a learning process”. Marami ang aming pagkakaiba gaya ng wika, relihiyon at sa paraan ng pagdidisiplina sa mga bata.Idagdag natin na uso dito ang extended family, sa isang bahay minsan may 2 o 3 pamilya.In my stay here,naranasan ko din ang diskriminasyon laging tanong sa akin “ni semo ren ni tsai nali ren?”(anong lahi mo?)minsan may magtatanong pa bakit karamihan maiitim at matataba ang pinay?but because I am a positive person I gave them a good answer with a genuine smile.
Isang mahalagang bagay na dapat huwag nating isantabi ay dapat matuto tayo ng salitang Chinese/mandarin maging dalubhasa kung kinakailangan para malaya nating naipapahayag ang ating mga hinaing at saloobin lalo na sa ating asawa para lalo nila tayong maunawaan. Ika nga ang bukas na pakikipag usap(open communication)ay mahalagang sangkap sa matatag na pamilya.Noong una balewala sakin ang matuto ng salitang mandarin dahil nasa isipan ko marunong naman akong mag English and that what’s matter ngunit nagbago ang aking pananaw dahil habang lumalaki ang aming mga anak dumarami ang aming nakakasalamuha at lumalawak ang aming naaabot na kapaligiran. Aking napagtanto na kelangan kong matuto dahil hindi nawawala ang pakikipagusap saan man ako mapunta, halimbawa na lang kailangang kausapin ang doctor kapag check up ng mga bata, kailangang kausapin ang guro ukol sa performance ng bata sa paaralan sa madaling salita malaki ang maitutulong sa akin sa katulad kong may asawang Taiwanese.kailangan kong matuto hindi lang para sa aking mga anak kundi para na rin sa akin para hindi ako matawag na mang mang o bobo at iba sa pakiramdam kapag makita kong umiiling iling ang taong kumakausap sakin kapag Ako’y may hindi naiintindihan.
Ang mahirap na naranasan ko ay ang tumira sa isang bahay na may extended families.Noong una, tatlong pamilya kami sa isang bahay bale labing-limang tao(15), byenan kong babae,2 kapatid ng asawa ko, 2 hipag,6 na pamangkin at kaming 2 mag asawa kasama ang aming 2 anak. Mahirap…dahil pakiramdam ko wala akong privacy,mahirap..dahil minsan hindi maiiwasan na may maririnig akong hindi maganda tungkol sa akin,mahirap.. dahil kinailangan kong makisama sa ilang taong may kani kaniyang ugali, mahirap..dahil minsan namimiss ko ang buhay sa Pilipinas,mahirap..dahil pagod kapag maraming tao sa isang bahay,mahirap..dahil minsan hindi maiiwasang mag away away ang walong bata sa bahay,mahirap..dahil minsan may mga bagay bagay akong hindi maintindihan.Ilang beses din akong umiyak at humingi ng tulong sa maykapal na sana makayanan kong makisama.Sa awa ng Dios natapos din ang aking paghihirap dahil ang aking sandata ay PAGMAMAHAL at PAGTANGGAP.Mahal ko ang aking asawa’t mga anak kaya kailangang mahalin ko at tanggapin ang pamilya ng asawa ko. Salamat at may matatag at matibay akong paniniwala at pananampalatya kaya nalalagpasan ko anumang hirap at pagsubok ang dumating.Salamat at naniwala ako na ang pamilya ay pamilya sila ang unang tutulong at pwede nating matakbuhan sa oras ng pangangailangan.Salamat dahil noong mga panahong kailangan ko ng makakausap my mother never failed me, salamat at mayroon akong ina na hindi nagkulang sa pagpapaalala sakin, lagi niyang bukambibig na makisama ng maayos sa kapwa lalo na sa pamilya ng asawa ko, ayon sa Kanya huwag dapat mawala ang respeto sa kapwa tama nga naman kasi di ba respect begets respect.Naniniwala ako na “no man is n island” kaya mahalaga ang pakikipagkapwa.Salamat dahil anumang oras pwede akong tumawag sa pinas through fb,Skype,Viber or direct call at higit sa lahat salamat at maayos ang pagsasama ng aming pamilya dito,kung tatanungin niyo kung kumusta ang aking kasalukuyang estado masaya at kontento dahil sa pagtanggap at pagmamahal.Nakasanayan ko na rin ang buhay dito, sa araw araw marami akong natututunan gaya ng paghanda ng Taiwanese cuisine, pamilyar na rin ako sa mga mahahalagang pagdiriwang or festivities dito sa Taiwan.
Sa pangkalahatan Taiwan is indeed a better place to live in. As immigrant I saw the goodness and the beauty of Taiwan. Maraming benipisyong binibigay ang pamahalaan. Isa sa aking pinanalangin na sana maging mura ang pabahay so that every family can avail.

Habang May Buhay

Julius Canaveras / Habang May Buhay / Wala / dayuhang asawa 婚姻移民 Mainit at maalingsangang tanghali. Ma-trapik ang kalsada. Sakay ng pampasadang jeep na minamaneho ni Tatay, kasama ko ang aking aking pamilya – si Nanay, si Tatay, dalawang nakababatang kapatid, at pamangkin, papuntang Manila. Ihahatid daw nila ko sa airport. Batid ko ang kalungkutan sa mga mata … Continue reading “Habang May Buhay”

Julius Canaveras / Habang May Buhay / Wala / dayuhang asawa 婚姻移民

Mainit at maalingsangang tanghali. Ma-trapik ang kalsada. Sakay ng pampasadang jeep na minamaneho ni Tatay, kasama ko ang aking aking pamilya – si Nanay, si Tatay, dalawang nakababatang kapatid, at pamangkin, papuntang Manila. Ihahatid daw nila ko sa airport. Batid ko ang kalungkutan sa mga mata nina Nanay at Tatay, malamang, mami-miss nila ako. Matatagalan din siguro bago ko makabalik ulit sa Pilipinas.

Panganay ako sa tatlong magkakapatid, lumaki sa isang simpleng pamilya. Si Tatay, isang matiyaga at pursigidong haligi ng tahanan, ay pumapasada ng jeep araw-araw para kumita at maipangtustos sa aming pang-araw-araw na gastusin sa bahay at iskwelahan. Si Nanay, isang mapagmahal at mapag-alagang ilaw ng tahanan, ang buong lakas na nag-aasikaso at nagbibigay ng aming mga kailangan sa bahay – kalinisan at kaayusan sa bahay, masarap na lutuin, mabango at malinis na mga damit, habang nagtatrabaho sa malayo si Tatay.

Bata pa lang ako, namulat na’ko sa kahirapan ng buhay. Minsan, para tulungan si Tatay sa mga gastusin, tumatanggap ng labada si Nanay sa dormitoryong malapit sa’min. Tinutulungan ko naman si Nanay. Ako ang humahakot ng labahin sa dormitoryo papunta sa bahay kung saan mano-manong nilalabhan ni Nanay. Ako din ang naghahatid ng malinis na mga damit sa umagang-umaga bago pumasok sa paaralan. Ilan lamang ang mga ito sa malaking hamon sa akin upang pagbutihin ang aking pag-aaral para balang araw ako naman ang tutulong sa’king pamilya.

Nagagalak akong ibahagi na naging iskolar ako mula sekondarya hanggang kolehiyo. Kaya’t lagi akong ipinagmamalaki nila Nanay at Tatay sa aming lugar.

Hanggang sa nakatapos ako ng kolehiyo sa kursong inhinyero sibil sa Unibersidad ng Pilipinas, ang pambansang pamantasan ng Pilipinas. Pinangarap ko kasing magdisenyo at magtayo ng aming magiging bahay kung papalarin sa hinaharap. Hanggang sa nakamit ko din ang lisensya para sa propesyon ko.

Ngunit hindi naging madali ang lahat. Halos wala rin akong maipon dahil sa hindi gaanong kalakihang sahod at mahal ng gastusin. Tumutulong din ako hanggang sa makatapos ng kolehiyo ang dalawa kong nakakabatang kapatid. Sa awa ng Diyos, nakamit din nila ang diplomang aming pinapangarap para sa kanila. Mahalaga sa’min ang edukasyon dahil laging ipinapaalala nila Nanay at Tatay na wala silang maipapamanang materyal at mamahaling ari-arian sa amin kundi edukasyon at mga turo para maging mabuting tao. Itong mga katagang ito ang lagi kong inspirasyon sa aking bawat gawain.

Baon ang pangarap na bumuo ng sariling pamilya sa malayong lupaing aking kinagisnan, nagdesisyon akong iwan ang aking trabaho sa Pinas at sundan ang aking asawa sa Taiwan. Punong-puno ng positibong adhikain at mataas na ekspektasyon ang aking puso’t isipan para sa desisyong manirahan at magtayo ng sariling pamilya sa Taiwan.

Sa halos tatlong buwan na ang nakalipas nung ikasal kami ng aking misis na Taiwanese, para bang kaytagal naming nagkawalay kung gaano namin na-miss ang isa’t isa. Sa dalawang unang bese kong nakadalaw dito sa Taiwan noong magkasintahan pa kami, kakaiba ang aking naramdaman yun dahil sa paniniwalang mas matagal na akong maninirahan dito. Pansamantala kaming nanirahan sa maliit na paupahang bahay sa Taichung. Nung mga unang buwan, medyo nakabisa ko na ang kapaligiran sa banyagang lupaing pinili kong mahalin, gaya ng pagmamahal ko sa’king asawa, sampu ng kultura nyang kinagisnan.

Lumipas ang marami pang buwan ngunit hirap ako sa paghahanap ng trabaho bilang inhinyero sibil. Nung panahong yun, wala pa ring bagong trabaho si misis kaya unti-unting nauubos ang aming pinansya. Laking pasasalamat namin at kahit papano, mabait ang kanyang ama at tinutulungan kami. Pero, ayaw ko sanang palaging umasa sa tulong ng aking biyenang lalaki.

Hindi ako tumigil maghanap ng trabahong angkop sa karanasan at pinag-aralan ko. Pero naging mailap ang swerte at tila walang pumapansin sa’king solidong resumé. Hindi pa ako nakaranas magtrabaho sa Taiwan. Hanggang sa natuklasan kong marahil ito’y nasa wikang Ingles. Batid kong hindi ganun katatas ang mga Taiwanese sa Ingles pero sa mga multinational na kumpanyang pinagpasahan ko ng aking resumé, inaasahan kong Ingles ang kanilang pangunahing lenguwahe. Ako’y nagkamali.

Naramdaman ko ang liit ng tyansa kong makapasok sa isang magandang kumpanya at magamit ang aking kwalipikasyon at espesyalisasyon. Hanggang sa napadpad kami sa isang agency na konektado sa isang semiconductor factory. Pareho kaming nag-apply ng misis ko at pareho din kaming natanggap. Ano pang mahihiling ko kung ito ang kaloob ng Maykapal sa panahong yun?

Ngunit wala pang isang buwan akong nagtatrabaho, para bang gusto ko nang bumigay sa hirap ng trabaho na marahil ay iba ito sa trabahong alam ko. Kaharap ang lampas kinseng makina, halos mabaliw ako kung paano gagawin ang aking trabaho kahit pa may ibang Pinay din na tumutulong at nagtuturo sa’kin. Hanga ako sa tatag, sipag at dedikasyon nila. Naging mabuti ko silang kaibigan sa loob ng factory. Lahat sila’y may kanya-kanyang kwento ng pagsusumikap para maiahon ang pamilyang iniwan sa Pinas. Lalong lumaki ang respeto ko sa kanila.

Hindi nagtagal, ako’y nagbitiw sa trabaho sa factory at tinanggap ang trabahong pang-inhinyero na ibinalita sakin ng kaibigan ko sa Dubai, UAE. Pinag-usapan namin ‘to ng misis ko at walang naging madaling paraan para tanggapin na kailangan ulit naming magkawalay. Ipinangako kong papasunudin ko sya sa Dubai kapag naging maayos na ang pakikianggkop ko sa pamumuhay sa gitnang silangan.

Pagkatapos ng ilang buwang malayo sa piling ng isa’t isa, muling nagkasama na ulit kami sa Dubai. Kami’y nag-renta ng isang maliit na espasyo na halos kasing laki lamang ng aming kama sa isang apartment na may hindi bababa sa beinteng rumerenta. Wala kaming ibang pagpipilian, kailangan naming makaipon ng pera kaya kailangan naming pagtiyagaan ‘to habang naghahanap pa ang misis ko ng trabaho sa Dubai. Kaso, hindi sya pinalad. Pakiramdam nya, dahil sa kaunting katatasan nya sa Ingles kya hindi sya makapasa sa pakikipanayam. Masakit mang tanggapin, lumalapit na mapaso ang visa nya. Hindi naglaon, kailangan na ulit naming magkawalay. Bumalik syang mag-isa sa Taiwan.

Muli na naman kaming naging konektado sa pamamagitan ng Skype. Mahirap ang kalagayan naming yun dahil sa diperensya sa oras ng aming lokasyon at talakdaan ng aming araw na walang trabaho. Nahihirapan na rin akong mamuhay mag-isa at malayo sa aking misis sa Taiwan at pamilya sa Pilipinas. Madalas, sa sobrang pagka-homesick ko, hindi ko maiwasang maiyak sa pagkasabik sa mga mahal ko sa buhay.

Pinag-usapan na lang namin ng misis ko na matapos ko lang ang isang taon ko sa trabaho ko at pwede nako magbakasyon sa Taiwan, hindi na muli akong babalik sa Dubai, para muling tuparin ang aming pangarap na pagbuo ng pamilya.

Lumipas ang araw, linggo, at buwan. Oras na ng pagbalik sa Taiwan dala ang kaunting naipong pera para makapagsimula ulit. Walang kasing sayang makita muli ang aking kabiyak na naghihintay sa aking pagdating sa paliparan.

Pakiramdam ko parang maraming nagbago sa Taiwan sa lampas isang taon kong pagtatrabaho sa gitnang silangan. Pero hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal ko dito kaya ito pa rin ang binalikan ko. Sa pagkakataong ito, sa Hsinchu na kami nanirahan at nagsimulang muli.

Gaya ng dati, sa kagustuhan kong magtulong kami magkaroon ng mas malaking ipon, madaming pagsubok akong naghanap muli ng trabaho. Kasalukuyan syang nagtatrabaho sa isang factory sa Hukou noon. Hanggang sa aking subukang magturo ng Ingles sa ilang buxiban at preschool. Hindi ako masyadong bihasa sa pagtuturo sa mga bata pero dahil sa dala ng pangangailangan, kailangan kong gawin. Oo, mas malaki ang kita sa ganitong trabaho pero ganun din kalaki at katalamak ang diskriminasyon.

Hindi Ingles ang una kong lengwahe pero bihasa at matatas akong magsalita, magbasa at magsulat sa wikang Ingles. Subalit, hindi ito sapat na batayan para makahanap ng permanenteng trabaho bilang guro ng Ingles sa preschool.

Dahil sa impresyon ng bawat preschool at buxiban na ang mga likas na tagapagsalita ng Ingles lamang ang maaaring magturo ng Ingles, masyadong lumiit ang tyansa ng tulad ko para sa ganitong trabaho. Marahil, ganito rin ang nararanasan ng mas nakakaraming bihasa sa Ingles na Taiwanese.

Halos lahat ng preschool ay nakatuon sa nakasanayang pamantayan, na bukod sa bansang pinanggalingan, ang pagpili ng bagong guro ng Ingles ay naayon sa maputing kompleksyon, ibang kulay ng mata, ibang kulay ng buhok, at iba pa.

Masakit mang isipin, dahil ito’y negosyo, mas pinahahalagahan ang panlabas na anyo at bansang pinanggalingan kaysa sa kakayahan at talento para sa pagtuturo ng Ingles sa mga kabataang Taiwanese.

Ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa. Lalo akong naging pursigido na subukan lahat ng pagkakataong pwedeng maging umpisa ng aking karera sa pagtuturo ng Ingles ditto sa Taiwan. Sa wakas, dininggin ng Maykapal ang mithiin ng puso ko at ginabayan ako patungo sa isang preschool na nagpapahalaga sa kakahayahan, tiyaga at pagsusumikap ng isang kwalipikadong guro. Nabigyan ako ng pagkakataong patunayan ang kakayahan kong magturo at magpahayag ng pagmamahal sa pagtuturo ng Ingles. Hanggang ngayon, ipinagpapasalamat ko ito sa isang tao na nagbigay ng tiwala sa aking kakayahan at talento, bukod sa aking kwalipikasyon at karanasan.

Ngayong nasa ikatlong taon na akong nagtuturo sa mga kabataang Taiwanese ng Ingles, ipinagmamalaki kong malaki ang aking naiambag sa kanilang pagkatuto at pagbuo ng tiwala sa sarili para ipahayag ang kanilang kakayahang makipagtalastasan sa wikang Ingles. Minahal ko ang mga naging estudyante ko na parang sarili kong anak. Hindi ko man sila kalahi at kapareho ng lengwahe (Mandarin Chinese), nagkakaintindihan pa rin kami, pati na rin sa mga ka-trabaho kong Taiwanese.

Lahat ng aking karanasan, hinanakit, problema, at kasiyahan ay aking ibinabahagi sa aking pamilya sa Pilipinas sa tuwing nagkakausap kami sa Skype. Likas na iyakin si Nanay kaya’t hindi nya mapigilang maluha kapag nagkakausap kami sa Skype. Lalo silang naging masaya para sa aming mag-asawa nung ibinalita naming nagdadalang tao ang misis ko at magiging magulang na kami. Hindi din namin maikubli ang aming pagkagalak at pangamba lalo na’t kami lang dalawang mag-asawa ang magkasama. Malayo kami sa pamilya ko sa Pilipinas at pamilya niya sa Tainan. Ganunpaman, kami’y nagkaisa at nagbigay lakas sa isa’t isa para sa panibagong buhay na aming itataguyod pagkatapos ng lampas siyam na buwan.

Hanggang sa isinilang ang una naming supling na lalaki. Walang kasing ligaya ang aming naramdaman. Wala ring kasingtumbas ang aming pangamba bilang baguhang magulang. Ganunpaman, itinuon na lang namin ang aming pansin sa maayos na pag-aalaga ng aming anak.

Gaya ng ibang relasyon, hindi din perpekto ang aming buhay mag-asawa. Simula nung magkaanak kami, lalo naming nakilala ang pag-uugali, kahinaan at imperpeksyon ng bawat isa.

Maraming naging mitsa ng aming hindi pagkakaintindihan. Dumaan kami sa mga pagsubok na bunsod ng diperensyang dulot magkaibang kultura, paniniwala, lengwahe at paraan ng pakikiangkop sa bawat isa. Hindi naging madali hanggang sa nagkakasumbatan kami sa bawat aming pagtatalo. Dumating sa punto na isinusumbat nya na siya ang dahilan ng pagkakaroon ko ng ARC kaya’t malaya at matagal akong nakakalagi sa Taiwan. Palagi nyang ipinapamukha sa’kin na sya ang dahilan kung bakit maayos ang aking pamumuhay sa Taiwan. Masakit sakin na isumbat yun. Asawa nya ako. Bakit, may nahahawakan ba ako sa perang sinusweldo ko? Nakakapunta ba ako kung saan ko gusto pumunta kung hindi nya ako papayagan? Nasasakal na ako. Parang wala akong kalayaan.

Kaya’t ipinamukha ko sa kanya na iniwan ko ang pamilyang kinagisnan ko sa Pilipinas at pinili ko sya at ang bansa at kultura nya alang-alang sa aming pagmamahal sa isa’t isa. Hindi naging madali makibagay sa banyagang lupaing hindi ko maintindihan ang lengwahe at may kakaibang kultura. Ipinaliwanag ko na pumunta ako sa Taiwan hindi para magtrabaho at kumita ng malaking halaga para sa sarili ko kundi makasama sya at buuin ang aming pangarap na pamilya.

Pero, mukhang naging malabong mangyari yun kung itinuloy kong lumayo na lang sa kanila ng anak ko, noong halos mapuno na ako sa kanya, kaysa naman palagi kaming magbangayan.

Mas nanaig pa rin ang pagmamahalan namin sa isa’t isa at sa aming sariling pamilya. Marami na kaming nalampasang pagsubok kaya hindi kami patitinag basta-basta. Mas nanaig ang pagmamahal ko sa aking sariling anak na simbolo ng aming pagmamahalan. Hindi ganoong basta-basta lang ang aming mga pinagdaanan.

Sa pamumuhay ko dito sa Taiwan, marami akong natutunan sa kultura, paraan ng pamumuhay, relihiyon, at modernong sistema ng pamumuhay ng mga Taiwanese. Walang kapantay ang sarap ng mga tradisyonal na pagkain dito, lalo na sa mga night markets. Madalas man silang pasigaw na makipag-usap, pero hindi nangangahulugan yun ng pagkagalit o hindi pakikipag-unawaan. Likas lang talagang emosyonal, magiliw at masayahin ang mga Taiwanese. Hinahangaan ko din ang mapayapang pamumuhay dito na mahirap ikumpara sa ibang nangungunang maunlad na bansa.

Sa aspeto ng pagyakap ng Taiwan sa lengwaheng Ingles, malakas ang aking paniniwalang mas makakadagdag sa kaunlaran at pagsulong nito, bukod sa pagkakaroon ng matatag na ekonomiya at matuwid na gobyerno. Hindi ko ipagpapalit ang Taiwan bilang aking pangalawang tahanan.

Sa ngayon, patuloy pa rin kaming mag-asawa sa pinili naming buhay-pamilyado. Nananatiling nag-aalab ang pagmamahalan naming mag-asawa sa kabila ng magkaibang kulturang kinagisnan. Patuloy naming gagampanan ang pagiging responsableng magulang ng aming anak na maswerte sa pagkakaroon ng higit sa isang kulturang maaari naming maipamana. Naniniwala akong habang may buhay… may pag-asa, may pagkakataong iwasto ang mga maling nagawa sa nakaraan, may pagkakataong maging kapaki-pakinabang sa kasalukuyan, at may pagkakataong mangarap ng marami para sa hinaharap.